Thursday, July 18, 2013

MAIKLING KWENTO: Ang Sukatan ng Ligaya ni Liwayway Arceo


NAGMAMADALI si Aling Isyang sa pagbibihis. Nangangamba siyang pumasok si Medy sa silid at Makita siyang nagbibihis. Natitiyak niyang hindi siya papayagan nito na makaalis. May tatlong araw
nang nagtatangka siyang makauwi sa nayon ngunit lagi siyang pinangungunahan ng anak.
“Ang Inang. . . nagbibihis na naman! Parang inip na inip dito sa ‘min . . .” matatandaan pa niyang parunggit nito. At kung may bahid man ng katotohanan itong sinabing iyon ni Medy ay hindi na siya nagpahalata. Nadama niya agad ang hinanakit sa tinig nito nang pansinin ang kanyang paghahanda sa pag-alis. Ngunit talagang hindi siya mawili sa tahanan nina Medy.
Noong una ay idinadahilan niya ang init. Nang sumunod na bakasyong lumuwas siya ay may isa nang silid sa bahay ni Medy na may sadyang pampalamig na ayon ditto ay nakakabit sa koryente. Wala naman siyang makikitang umiikot na tulad sa karaniwang nakikita niya sa kanilang nayon. Iyon ay isang parihabang kahon lamang sa dingding. Ngunit hindi rin siya nasiyahan. Nasipon pa nga siya. Gayunman ay iyon ang nagawa niyang dahilan upang makauwi sa nayon.
Hindi niya maidahilan ang alikabok. Ang malaking bahay ng kanyang anak ay malayo sa magulong lunsod. Nakatirik iyon sa gulod ay nakabukod. Sa pinakamalapit na kapitbahay. Malawak ang bakurang alaga ng isang hardinero. May languyan sa isang panig at may pinanggagalingan pa ng tubig na sumasaboy sa gitna ng hardin. Ngunit sa tuwing maglalakad siya sa paligid ng bakuran, waring may hinahanap siyang kung anong bagay na mawawaglit.
Naikuwento niya iyon kay Mang Laryo nang magbalik siya sa nayon. “Alam mo, Oy.” simula niya sa pagbabalita sa asawa, “Kahit na nga ano pa ang sabihin, iba ang singaw ng lupa rito sa ‘tin. Saka. . . kung bakit doon kina Medy, gayong binili raw nang napakamahal ang mga halalaman. . . parang hindi ako nagagandahan. Ayaw man lang ipahipo ang mga dahon ng mga masetas, e!”
Napangiti si Mang Laryo. “Ikaw naman, oo! Nagpapahalata ka naman ‘ata sa anak mo. Parang napapaso ka sa kanilang bahay. Nasabi na nga sa ‘kin ‘yan minsan… patuloy ng matanda.
“H-ha?”
“Aba, oo! Sinabi ‘yan mismo ni Medy.”Ika sa kin. . . mas mahal mo raw si Idad kaysa kanya. . . hindi raw pareho ang tingin mo sa kanila. . . “
Sa dakong iyon ng kanyang gunita ay napatigil sa pagbibihis si Aling Isyang. Waring may gumising sa kanya. Parang noon lamang sinasabi ni Mang Laryo ang panunumbat ni Medy.
“Hindi maaaring magkagano’n!” bulong ni Aling Isyang sa sarili. “Si Medy nga ang malaki ang naitulong sa ‘min, palibhasa’y sinuwerte sa pag-aasawa.” Nakakaluwag sa buhay ang naging asawa.”
“Ngunit ang hindi mawari ni Aling Isyang ay kung bakit higit na nagiging matamis ang iniaabot sa kanya ni Idad gayong maliliit na halaga lamang. Marahil ay dahil alam niyang magsasaka ang kanyang manugang kay Idad. Dukha ring tulad nila ni Mang Laryo. At kakaibang kislap sa mga mata ni Ida dang nasisinag niya sa pagkakaloob niyon.
Ilang katok sa pinto ang pumukaw sa pagdidili-dili ni Aling Isyang.
“Inang, “ narinig niyang tawag ni Medy.
“Halika, Anak. . . “tugon niya at mabilis na inabot ang alampay sa likod ng silya at ibinalabal iyon.”Bahala na . . .”bulong niya.
Hindi tumitingin si Aling Isyang sa dako ng pinto nang itulak ni Med yang dahon niyon.
“Ay, salamat. . . at nakabihis na kayo, Inang!” Masayang bati ni Medy at lumapit sa kanya. Nakasungaw sa mga labi nito ang isang masayang ngiti.
Nagtaka si Aling Isyang. Inaasahan niyang magpaparunggit na naman ni Medy at nakikita siyang nakabihis ng panlakad at may balak na umuwi.
“Talagang pagbibihisin ko kayo, Inang, e. . . aalis tayo! Habol ni Medy.
“S-sa’n . . . sa’ n tayo pupunta?” Kunwa’y sabik na sabik niyang tanong.
“Talagang sasabihin ko pa naman sa ‘yo na. . . uuwi na ‘ko. . . ngayon. . .”
Napalabi si Medy, “Ku, heto na naman si Inang! Sumama nga muna kayo sa ‘ming pamamasyal bago kayo umuwi. Magtatampo niyan si Eddie. . . Pag hindi kayo sumama.”
1
Napabuntunghininga nang malalim si Aling Isyang. Hindi siya makatutol kapag ang sinasangkalan ni Medy ay ang asawa nito. Nahihiya siyang biguin ang manugang. . . Iniiwasan niyang may masabi ito.
“Baka kung saan ‘yon, ha?” hindi pa rin napigilang tanong niya sa anak.
Napatawa si Medy. “Ang Inang. . . sa’n ba naman namin kayo dadalhin? Magpapasyal llang tayo at susubbukin daw ng manugang n’yo ang bagong kotse . . . at kakain tayo sa labas. Do’n sa restawran sa tabing-dagat. Huwag n’yo na munang hahanapin ‘yong ilog do’n sa ‘tin!” biro pa ni Medy.
“E sige . . .” patianod ni Aling Isyang. “Basta mamamayang hapon e payagan na n’yo kong makauwi at kawawa namab ang Tatang n’yo. . ’’
“Kasi naman, hindi pa sumama, e . . .’’ paninisi ni Medy.
“Alam mo namang may pinagkakaabalahan sa bukid, e. Kung hindi ba dahil sa kumpleanyo mo, luluwas pa ba ‘ko? Alam mo namang bagong-galing sa sakit si Idad. . . ’’ dugtong pa niya.
“Siya. . . siya. . . oho!’’ Matamlay na tugon ni Medy. “Mukhang talagang hindi na kayo mapipigil, e. . .”
Nang lumabas si Aling Isyang sa silid ay nabungaran niya sa salas ang dalawang apong babae na sinusundan-sundan ng mga yaya.
Ang panganay ni Medy ay anim na taon, ngunit hindi pa mapag-isa. Laging kasunod ang tagapag-alaga. Ni hindi ito makapagbihis nang mag-isa, di tulad ng kanyang apo kay Idad, na bata sa murang gulang na iyon. Ang sumunod na may tatlong taon ay napakalikot naman. Natitigil lang kung karga ng yaya.
Naupo si Aling Isyang sa sopa upang hintayin sina Medy. Hinintay niyang lapitan siya ng mga apo, ngunit waring hindi siya napapansin. Bigla niyang nagunita ang apat na apo kay Idad. Marinig lamang ng mga iyon ang kanyang mga yabag ay nag-uunahan na sa paglapt sa kanya at unahan din sa pagkapit sa kanyang saya. At kung tulad ngayon na nakaupo siya, tiyak na mag-uunahan ang dalawa sa kanyang kandungan at magtutulakan naman ang dalaw pang ibig makababa sa kanyang baliikat.
Nang lumabas si Medy buhat sa silid ay may bitbit itong sapatilyang puno ng palamuting abaloryo.
“Ito na’ng isuot n’yo, Inang. . . ’’ sabay lapag sa sahig, sa kanyang paanan.
“Naku ,’’ tutol niya, “e bakit pa? Tama na ‘tong aking kotso. . . luma nga, hindi naman sira!’’ Hindi niya masabi kay Medy na nang una siyang magsuot niyon ay nanakit ang kanyang mga paa.
“ Ku, kaya kayo ibinili ni Eddie ng bago e hindi na raw nakikitang isinusuot n’yo ‘yong unang binili namin. . . ’’sabi ni Medy.
“Kow. . . e hindi ko lang naibalita sa ‘yo, ibinigay ko sa kapatid mo. Mas bagay sa mga paa ni Idad, e . . . ’’ patuloy ni Alin Isyang.
“Kaya nga! Hubarin n’yo na ‘yang kotso. Kahiya-hiya pag may nakakia sa ‘tin sa pamamasyal.Pusturang-pustura kami. . . tapos. . .’’ at nauntol ang sinasabi ni Medy.
“Mamaya, maisip ng iba na sapatilya lang ay hindi naming kayo maibili. . .”
“Bakit ‘yon ang iisipin n’yo, e ako naman ang may gusto nito? Ngunit pinagbigyan na rin niya si Medy.
Nanibago si Aling Isyang nang tumayo siya. May kataasan ang taking ng sapatilya.At matigas ang entrada. Hindi pa siya humahakbang ay waring nananakit na ang kanyang talampakan.
Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya magtagal sa bahay ni Medy. Ang gusto ni Medy ay lagi siyang susunod sa mga sinasabi nito upang walang masabi ang iba. Sa kanyang pakiramdam naman ay iniipit ang kanyang mga kilos at hindi siya Malaya. Gayunman ay ayaw na niyang maging alangan ang kanyang anak sa pamantayan ng kanyang manugang, kaya’t sinisikap niyang makibagay.
Napansin ni Aling Isyang na tuwang-tuwa si Eddie na makita nitong suot niya ang sapatilya.”Ayan. . . sabi ko na’t bagay na bagay sa inyo ang kulay na granate, e! Bumata kayo ng sampung taon!’ at inakbayan siya nito. “Tena kayo. . .’’
Dahan-dahan at buong-ingat ang ginawang pagbaba ni Aling Isyang sa hagdan.
“Masakit ba sa paa, Inang?’’ usisa ni Medy nang mapunang mabagal ang kanyang mga hakbang.
“Hindi naman. . . ’’ pagkakaila niya. “Syempre. . . medyo lang ako naninibago at mababa ang kotso. . .”
2
Wala sa pamamasyal ang isip ni Aling Isyang. Nasa bukid, sa piling ni Mang Laryo, ni Idad, at ng kanyang mga apo. Lalong naging masidhi ang kanyang pananabik sa mga apongnaiwan nang makasakay siya sa kotse.
Katabi niya ang dalawang tagapag-alaga ng kanyang mga apo sa upuan sa likuran. Kalong ng mga iyon ang mga bata. Ni hindi niya mahipo kahit sa kamay ang kanyang mga apo. Waring hindi siya nakikilala.
“Sinuswerte kami sa huling transaksiyon, Inang. . .” pagbabalita ni Eddie sa kanya samantalang namamasyal sila sa tabing-dagat.”Kaya pinalitan ko na ang lumang kotse nang walang maireklamo ang anak n’yo. . .” pabiro pang dugtong.
“Maganda, a!’’ tanging naisagot ni Aling Isyang.
“Dapat naman, Inang!” katlo ni Medy.”Papasok na si Millet sa darating na pasukan. . . sa laga e magpapahuli ‘yan sa ibang bata sa kolehiyo?” at binanggit nito kung saang kolehiyo ng mga madre ipapasok ang apo.
“Para disi-otso mil lang!”
Napakislot si Aling Isyang sa pagkakaupo. Labingwalong libong piso! Kaya pala naman saanman niya hagurin ng tingin ang sasakyan ay wala siyang maipintas. Wala pa siyang nakikitang tulad niyon. Kahit ang alkalde ng kanilang bayan o ang gobernador ng kanilang lalawigan ay hindi gayon kagara ang sinasakyang kotse.
Hindi sinasadya ay napailing si Aling Isyang. Naisip niya kung paanong ang kanyang dalawang anak na kapwa babae, kapwa maganda at pareho ang inabot sa paaralan, ay nagkaroon ng magkaibayong kapalaran sa kabuhayan nang magsipag-asawa.
Naisaloob niyang marahil ay dahil magkaiba ang ugali ng dalawa. Palabati si Medy sa kapwa. Madaling makipagkaibigan. Si Idad naman ay tahimik. Mahiyain. Ngunit matay man pakiramdaman ay nasisiyahan sa buhay.
Natatandaan pa ni Aling Isyang ang matinding galit niya nang malamang nakakilala ni Medy ang isang batang-batang mangangalakal galing sa Maynila. Noon ay napadako sa kanilang nayon si Eddie upang bilhin ang tubuhan ng dati ay tinitingal sa kanilang bayan, si Don Alfonso. Hanggang nang hingin ni Eddie ang kamay ni Medy ay hindi napapawi ang pag-aalinlangan sa kanyang dibdib.
“Hindi na kayo kumibo, Inang. . ..” basag ni Medy sa katahimikan nang mapansing walang kakibu-kibo ang ina.
“A. . . e nawiwili ako. . . sa panonood. . .” pagkakaila ni Aling Isyang.
“ Nakita mo na, Ed. . . ’’ at bumaling si Medy sa asawa, “kung hindi natin binili ito, ‘yon bang disi-otso mil e maaaring sakyan? Masisiyahan ba tayo nang ganito?”
Saglit na nakawala sa diwa ni Aling Isyang ang mga nagdaan nang marinig ang masayang tawanan nina Medy at Eddie. At nakadama na rin siya ng kasiyaha. Pinilit niyangmasiyahan.
Pumili ng isang sariling hapag si Eddie sa restawrang pinasukan nila. Sa bungad pa lamang ay marami ng binabating kakilala ang mag-asawa. Susunud-sunod naman si Aling Isyang. Ingat na ingat siya sa paghakbang. Nananakit ang kanyang mga paa sa suot na sapatilya. Ngunit sinarili niya iyon.
May kapaitang sumasaisip ni Aling Isyang na kung naroon siya sa kanilang sariling nayon, hindi niya kakailanganin ang magkunwari. Hindi niya kakailanganing magsuot ng anumang hindi siya nagiginhawahan. Kilala niya ang lahat ng tao at nakikilala rin siya. Hindi niya kailangan ang kumilos nang labag sa kanyang kalooban, upang masiyahan lamang sina Medy. Nakadama siya nang bahagyang kapayapaan ng loob nang makaupo na sila sa harap ng hapag-kainan.
“Baka mahal dito?” hindi sinasadyang nasambit ni Aling Isyang.
“Si Inang naman!” may hinampo sa tinig ni Medy. “Baka may makarinig sa inyo ay kung ano ang isipin! Paparito ba tayo nang hindi kami gayak gumasta?
Nagsisi si Aling Isyang kung bakit niya sinabi iyon. At lalo siyang nakadama ng pagkapahiya nang masulyapang ngingiti-ngiti ang manugang.
Ayaw magsiupo ang kanyang dalawang apo. Nawiwili sa kalalakad sa paligid ng restawran. Susunud-sunod naman ang dalawang yaya. Ang nanghihinayang sa ibinabayad ni Medy sa dalawang katulong na kabilang sa marahil ay anim o walo pang utusan sa bahay. May labandera, May kusinera. May tagalinis ng bahay. May tagawalis ng bakuran. May tagadilig. Hindi niya maubos-isipin kung bakit si Idad ay nag-iisang gumagawa sa bahay ay apat ang inaalagaang anak.
“Ano ang gusto n’yo, Inang?” tanong ni Eddie nang mapunang hindi siya kumikibo.
“Kayo na ang bahala. . . lahat naman ay kinakain ko!” mahina niyang tugon. Sadyang hindi niya alam kung ano ang maaari niyang hingin sa restawrang iyon. Alam niyang wala roon ang paborito niyang pangat na malakapas at banak.
3
“Alam ko ang paborito ni Inang!” masiglang sabi ni Medy. At humingi ito ng inihaw na pampano, asadong alige ng alimango, halabos na sugpo, kilawing talangka at tinolang manok, mga sariwang prutas, sabaw ng buko.
“Ang mga bata,bakit hindi pa magsitungo rito?” biglang sabi ni Aling Isyang.
“Kabisado ‘yan ng mga nagsisilbi rito. Dadalhn na ang mga ‘yan kung saan gusto. Pihong nasa hardin,” paliwanag ni Medy.
Hindi makaramdam ng gutom si Aling Isyang. Nalula siya sa dami ng pagkaing nakahain. At umukilkil sa kanyang isipan kung magkano aabutin ang lahat ng iyon, na sa kanyang palagay ay hindi dapat gugulin. Pasulyap-sulyap siya sa ginagawang pagkain ng mag-asawa at pilit niyang ginagaya. Ingat na ingat siya sa pagkain.
Naisip niyang kung nasa sariling bahay siya, pasalampak siyang uupo sa sahig ng dulang. Nadudukit niya ang lahat ng alige ng alimango pati sa talukap. Nakukuha niya pati ang laman sa mga sipit at galamay.Pinaghahandaan niya iyon ng sawsawang suka na may pinitpit na luya at tinimplahan ng asin at asukal.
Sa sugpo ay wala siyang itinapon kundi balat. Kinukutkot pa ng kanyang mga kuko ang taba sa talukap ng ulo. Sinisipsip niya pati ang mga hinlalangot at buntot.
Ibang-iba ang ginagawang pagkain nina Medy. Maraming natatapon. Sa kanyang tingin ay higit pang marami ang naiiwan sa pinggan.Hinayang na hinayang siya ngunit sinasarili niya ang kanyang damdamin.
At nakaramdam ng lungkot si Aling Isyang nang magunita ang mga naiwan sa nayon. Naalala niya ang ginagawa niyang paghihimay ng alimango o alimasag para sa kanyang mga apo. Gayundin ang ginagawa niyang pagsisilbi kay Mang Laryo.
Nagtataka siya kung paanong sa loob ng walong taon lamang na inilagi ni Medy sa lunsod ay hidi na niya mabakas ang nakamihasnan nito sa nayon. Waring limot na nito ang pinag-ugatan. Waring kailanman ay hindi siya nagging bahagi ng kanilang nayon.
“O,” basag ni Medy sa kanyang pag-iisip,” hindi ‘ata kayo kumakain, Inang,”
“Kumakain,” mabilis niyang sagot.”Alam mo naman ako. . . mahinang kumain.”
IPINAHATID ni Medy si Aling Isyang nang umuwi. Bago siya umuwi ay hindi niya nalimutang hingiin muli kay Med yang kanyang kotso. Pinagtawanan siya nito at hinapit ang balikat at dibdib nito. Pagkatapos ay binilinan siya nito na sa hulihang upuan ng kotse siya maupo.
“ Hindi naman si Eddie ang magmamaneho, e. . . tsuper ‘yan sa opisina!” bulong sa kanya.
Tumango lamang siya. Nang maramdaman niyang umuusad na ang kotse ay hinubad niya ang sapatilya at inihalili ang kanyang kotso. Sumandal siya sa pagkakaupo at naramdaman niya ang ibayong pananabik na makauwi sa nayon.
Hindi man lamang niya naisip nab aka magulat ang kanyang mga kanayon kapag nakita ang sinasakyang bagung-bago at nangingintab na kotse, tulad ng sabi ni Medy bago siya sumakay. Ang tanging nakikita niya sa kanyang balintataw ay ang pat na anak ni Idad na naghihintay sa kanya, na nag-uunahan sa pagsalubong sa kanya.
Malayo pa man siya sa nayon ay waring nalalanghap na niya ang naiibang singaw ng lupa- kaiba sa magarang bakuran nina Medy. Waring malayang-malaya na naman siyang gumagalaw, hubad sa pagkukunwari at pakikibagay.

Napuno ng kaligayahan ang puso ni Aling Isyang nang matanaw na niya ang makipot at maalikabok na landas na bumubungad sa kanilang nayon. Waring abot-kamay na niya ang kanilang tarangkahan.

No comments:

Post a Comment