Saturday, July 13, 2013

Format ng Suring-Basa



May dalawang paraan ng pagsulat ng isang panunuri. Ang una ay sa payak na pagkakabuod ng mga pangyayari sa akda at ang pangalawa ay sa paraang pahalagang pagbubuod. Malaki ang magagawa ng istilo sa pagsulat ng isang manunuri upang mapalutang ang layunin sa pagsusuri sa akda. Ito ay kailangang kumilala sa taglay na sining at magpapanatili sa sining ng pagsusuri. Sa simpleng pagpapakahulugan, ipinaliliwanag ng isang panunuring pampanitikan kung bakit dapat basahin ang isang akda o kung ano ang katangian ng akda na dahilan upang ito’y pag-ukulan ng panahong basahin. Tingnan kung anu-ano ang mga salik o elementng napapaloob sa isang suring-basa.
1.    PAGKILALA SA MAY-AKDA – Ito ay hindi nangangahulugan ng pagsusuri sa pagkatao ng may-akda kundi sa mga bagay na naguudyok sa kanyang likhain ang isang akda.
2.    URI NG PANITIKAN – Pagtukoy sa mga anyo ng panitikang sinulat sa himig o damdaming taglay nito.
3.    LAYUNIN NG MAY-AKDA – Pagsusuri sa kahalagahan ng akda kung bakit sinulat. Layunin ba nitong magpakilos o manghikayat, manuligsa, magprotesta at iba pa.
4.    TEMA O PAKSA NG AKDA – Ito ba’y makabuluhan, napapanahon, makaotohanan, at mag-aangat o tutugon sa sensibilidad ng mambabasa?
5.    MGA TAUHAN / KARAKTER SA AKDA – Ang karakter ba’y anyo ng mga taong likha ng lipunang ginagalawan, mga tauhang hindi pa nalilikha sa panahong kinabibilangan o mga tauhang lumilikha, nagwawasak, nabubuhay o namamatay.
6.    TAGPUAN / PANAHON – Binibigyang-pansin sa panuring pampanitikan ang kasaysayan, kapaligiran at panahong saklaw ng isang akda bilang mga saksi at sanhi ng kalagayan o katayuan ng isang indibidwal, ng kanyang kaugnayan sa kapwa at sa lipunan.
7.    NILALAMAN / BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI – Isa bang gasgas na pangyayari ang inilahad sa akda? May kakaiba bas a nilalamang taglay? Dati o luma na bang mga pangyayaring may bagong bihis, anyo, anggulo, o pananaw? Paano binuo ang balangkas ng akda? May kaisahan ba ang pagkakapit ng mga pangyayari mula simula hanggang wakas? Ano ang mensaheng ipinapahiwatig ng kabuuan ng akda? May natutunan ka ba sa nilalaman ng akda?
8.    MGA KAISIPAN / IDEYANG TAGLAY NG AKDA – Ang isang akdang pampanitikan ay nagtataglay at nagpapaliwanag sa mga kaisipang umiiral, tinatanggap at pinapatunayan ng mga tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding tinatanggap at pinatutunayan ng mga tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding ang mga kaisipang ito ay sasalungatin, pabulaanan, mabago, o palitan. Ito ba ay mga katotohanang unibersal, likas sa tao at lipunan, mga batas ng kalikasan, sistema ng mga ideya o paniniwalang kumokontrol sa buhay? Mahalagang masuri sa akda ang mga kaisipang ginagamit na batayan sa paglalahad ng mga pangyayari.
9.    ISTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA – Epektibo ba ang paraan ng paggamit ng mga salita? Angkop bas a antas ng pang-unawa ng mga mambabasa ang pagkakabuo ng akda? May bias kaya ang istilo ng pagkakasulat sa nilalaman ng akda? Masining ba ang pagkakagawa ng akda? Ito ba’y may kahalagahang tutugon sa panlasa ng mambabasa at sa katangian ng isang mahusay na akda?
10. BUOD – Hindi kailangang ibuod nang mahaba ang istorya ng akda. Ang pagbanggit sa mahahalagang detalye ang bigyang-tugon.
Ang pagsulat ng isang panunuri ay nangangailangan ng sapat na kaalaman, kahandaan at kakayahan sa panig ng manunuri. Kailangang Makita ang pagiging maingat at lubos na pagkaunawa sa akdang sinusuri. Ang pagiging obhetibo sa pagsusuri ay kailangang isaalang-alang.

1 comment: