Thursday, July 18, 2013

MAIKLING KWENTO: Ang Sukatan ng Ligaya ni Liwayway Arceo


NAGMAMADALI si Aling Isyang sa pagbibihis. Nangangamba siyang pumasok si Medy sa silid at Makita siyang nagbibihis. Natitiyak niyang hindi siya papayagan nito na makaalis. May tatlong araw
nang nagtatangka siyang makauwi sa nayon ngunit lagi siyang pinangungunahan ng anak.
“Ang Inang. . . nagbibihis na naman! Parang inip na inip dito sa ‘min . . .” matatandaan pa niyang parunggit nito. At kung may bahid man ng katotohanan itong sinabing iyon ni Medy ay hindi na siya nagpahalata. Nadama niya agad ang hinanakit sa tinig nito nang pansinin ang kanyang paghahanda sa pag-alis. Ngunit talagang hindi siya mawili sa tahanan nina Medy.
Noong una ay idinadahilan niya ang init. Nang sumunod na bakasyong lumuwas siya ay may isa nang silid sa bahay ni Medy na may sadyang pampalamig na ayon ditto ay nakakabit sa koryente. Wala naman siyang makikitang umiikot na tulad sa karaniwang nakikita niya sa kanilang nayon. Iyon ay isang parihabang kahon lamang sa dingding. Ngunit hindi rin siya nasiyahan. Nasipon pa nga siya. Gayunman ay iyon ang nagawa niyang dahilan upang makauwi sa nayon.
Hindi niya maidahilan ang alikabok. Ang malaking bahay ng kanyang anak ay malayo sa magulong lunsod. Nakatirik iyon sa gulod ay nakabukod. Sa pinakamalapit na kapitbahay. Malawak ang bakurang alaga ng isang hardinero. May languyan sa isang panig at may pinanggagalingan pa ng tubig na sumasaboy sa gitna ng hardin. Ngunit sa tuwing maglalakad siya sa paligid ng bakuran, waring may hinahanap siyang kung anong bagay na mawawaglit.
Naikuwento niya iyon kay Mang Laryo nang magbalik siya sa nayon. “Alam mo, Oy.” simula niya sa pagbabalita sa asawa, “Kahit na nga ano pa ang sabihin, iba ang singaw ng lupa rito sa ‘tin. Saka. . . kung bakit doon kina Medy, gayong binili raw nang napakamahal ang mga halalaman. . . parang hindi ako nagagandahan. Ayaw man lang ipahipo ang mga dahon ng mga masetas, e!”
Napangiti si Mang Laryo. “Ikaw naman, oo! Nagpapahalata ka naman ‘ata sa anak mo. Parang napapaso ka sa kanilang bahay. Nasabi na nga sa ‘kin ‘yan minsan… patuloy ng matanda.
“H-ha?”
“Aba, oo! Sinabi ‘yan mismo ni Medy.”Ika sa kin. . . mas mahal mo raw si Idad kaysa kanya. . . hindi raw pareho ang tingin mo sa kanila. . . “
Sa dakong iyon ng kanyang gunita ay napatigil sa pagbibihis si Aling Isyang. Waring may gumising sa kanya. Parang noon lamang sinasabi ni Mang Laryo ang panunumbat ni Medy.
“Hindi maaaring magkagano’n!” bulong ni Aling Isyang sa sarili. “Si Medy nga ang malaki ang naitulong sa ‘min, palibhasa’y sinuwerte sa pag-aasawa.” Nakakaluwag sa buhay ang naging asawa.”
“Ngunit ang hindi mawari ni Aling Isyang ay kung bakit higit na nagiging matamis ang iniaabot sa kanya ni Idad gayong maliliit na halaga lamang. Marahil ay dahil alam niyang magsasaka ang kanyang manugang kay Idad. Dukha ring tulad nila ni Mang Laryo. At kakaibang kislap sa mga mata ni Ida dang nasisinag niya sa pagkakaloob niyon.
Ilang katok sa pinto ang pumukaw sa pagdidili-dili ni Aling Isyang.
“Inang, “ narinig niyang tawag ni Medy.
“Halika, Anak. . . “tugon niya at mabilis na inabot ang alampay sa likod ng silya at ibinalabal iyon.”Bahala na . . .”bulong niya.
Hindi tumitingin si Aling Isyang sa dako ng pinto nang itulak ni Med yang dahon niyon.
“Ay, salamat. . . at nakabihis na kayo, Inang!” Masayang bati ni Medy at lumapit sa kanya. Nakasungaw sa mga labi nito ang isang masayang ngiti.
Nagtaka si Aling Isyang. Inaasahan niyang magpaparunggit na naman ni Medy at nakikita siyang nakabihis ng panlakad at may balak na umuwi.
“Talagang pagbibihisin ko kayo, Inang, e. . . aalis tayo! Habol ni Medy.
“S-sa’n . . . sa’ n tayo pupunta?” Kunwa’y sabik na sabik niyang tanong.
“Talagang sasabihin ko pa naman sa ‘yo na. . . uuwi na ‘ko. . . ngayon. . .”
Napalabi si Medy, “Ku, heto na naman si Inang! Sumama nga muna kayo sa ‘ming pamamasyal bago kayo umuwi. Magtatampo niyan si Eddie. . . Pag hindi kayo sumama.”
1
Napabuntunghininga nang malalim si Aling Isyang. Hindi siya makatutol kapag ang sinasangkalan ni Medy ay ang asawa nito. Nahihiya siyang biguin ang manugang. . . Iniiwasan niyang may masabi ito.
“Baka kung saan ‘yon, ha?” hindi pa rin napigilang tanong niya sa anak.
Napatawa si Medy. “Ang Inang. . . sa’n ba naman namin kayo dadalhin? Magpapasyal llang tayo at susubbukin daw ng manugang n’yo ang bagong kotse . . . at kakain tayo sa labas. Do’n sa restawran sa tabing-dagat. Huwag n’yo na munang hahanapin ‘yong ilog do’n sa ‘tin!” biro pa ni Medy.
“E sige . . .” patianod ni Aling Isyang. “Basta mamamayang hapon e payagan na n’yo kong makauwi at kawawa namab ang Tatang n’yo. . ’’
“Kasi naman, hindi pa sumama, e . . .’’ paninisi ni Medy.
“Alam mo namang may pinagkakaabalahan sa bukid, e. Kung hindi ba dahil sa kumpleanyo mo, luluwas pa ba ‘ko? Alam mo namang bagong-galing sa sakit si Idad. . . ’’ dugtong pa niya.
“Siya. . . siya. . . oho!’’ Matamlay na tugon ni Medy. “Mukhang talagang hindi na kayo mapipigil, e. . .”
Nang lumabas si Aling Isyang sa silid ay nabungaran niya sa salas ang dalawang apong babae na sinusundan-sundan ng mga yaya.
Ang panganay ni Medy ay anim na taon, ngunit hindi pa mapag-isa. Laging kasunod ang tagapag-alaga. Ni hindi ito makapagbihis nang mag-isa, di tulad ng kanyang apo kay Idad, na bata sa murang gulang na iyon. Ang sumunod na may tatlong taon ay napakalikot naman. Natitigil lang kung karga ng yaya.
Naupo si Aling Isyang sa sopa upang hintayin sina Medy. Hinintay niyang lapitan siya ng mga apo, ngunit waring hindi siya napapansin. Bigla niyang nagunita ang apat na apo kay Idad. Marinig lamang ng mga iyon ang kanyang mga yabag ay nag-uunahan na sa paglapt sa kanya at unahan din sa pagkapit sa kanyang saya. At kung tulad ngayon na nakaupo siya, tiyak na mag-uunahan ang dalawa sa kanyang kandungan at magtutulakan naman ang dalaw pang ibig makababa sa kanyang baliikat.
Nang lumabas si Medy buhat sa silid ay may bitbit itong sapatilyang puno ng palamuting abaloryo.
“Ito na’ng isuot n’yo, Inang. . . ’’ sabay lapag sa sahig, sa kanyang paanan.
“Naku ,’’ tutol niya, “e bakit pa? Tama na ‘tong aking kotso. . . luma nga, hindi naman sira!’’ Hindi niya masabi kay Medy na nang una siyang magsuot niyon ay nanakit ang kanyang mga paa.
“ Ku, kaya kayo ibinili ni Eddie ng bago e hindi na raw nakikitang isinusuot n’yo ‘yong unang binili namin. . . ’’sabi ni Medy.
“Kow. . . e hindi ko lang naibalita sa ‘yo, ibinigay ko sa kapatid mo. Mas bagay sa mga paa ni Idad, e . . . ’’ patuloy ni Alin Isyang.
“Kaya nga! Hubarin n’yo na ‘yang kotso. Kahiya-hiya pag may nakakia sa ‘tin sa pamamasyal.Pusturang-pustura kami. . . tapos. . .’’ at nauntol ang sinasabi ni Medy.
“Mamaya, maisip ng iba na sapatilya lang ay hindi naming kayo maibili. . .”
“Bakit ‘yon ang iisipin n’yo, e ako naman ang may gusto nito? Ngunit pinagbigyan na rin niya si Medy.
Nanibago si Aling Isyang nang tumayo siya. May kataasan ang taking ng sapatilya.At matigas ang entrada. Hindi pa siya humahakbang ay waring nananakit na ang kanyang talampakan.
Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya magtagal sa bahay ni Medy. Ang gusto ni Medy ay lagi siyang susunod sa mga sinasabi nito upang walang masabi ang iba. Sa kanyang pakiramdam naman ay iniipit ang kanyang mga kilos at hindi siya Malaya. Gayunman ay ayaw na niyang maging alangan ang kanyang anak sa pamantayan ng kanyang manugang, kaya’t sinisikap niyang makibagay.
Napansin ni Aling Isyang na tuwang-tuwa si Eddie na makita nitong suot niya ang sapatilya.”Ayan. . . sabi ko na’t bagay na bagay sa inyo ang kulay na granate, e! Bumata kayo ng sampung taon!’ at inakbayan siya nito. “Tena kayo. . .’’
Dahan-dahan at buong-ingat ang ginawang pagbaba ni Aling Isyang sa hagdan.
“Masakit ba sa paa, Inang?’’ usisa ni Medy nang mapunang mabagal ang kanyang mga hakbang.
“Hindi naman. . . ’’ pagkakaila niya. “Syempre. . . medyo lang ako naninibago at mababa ang kotso. . .”
2
Wala sa pamamasyal ang isip ni Aling Isyang. Nasa bukid, sa piling ni Mang Laryo, ni Idad, at ng kanyang mga apo. Lalong naging masidhi ang kanyang pananabik sa mga apongnaiwan nang makasakay siya sa kotse.
Katabi niya ang dalawang tagapag-alaga ng kanyang mga apo sa upuan sa likuran. Kalong ng mga iyon ang mga bata. Ni hindi niya mahipo kahit sa kamay ang kanyang mga apo. Waring hindi siya nakikilala.
“Sinuswerte kami sa huling transaksiyon, Inang. . .” pagbabalita ni Eddie sa kanya samantalang namamasyal sila sa tabing-dagat.”Kaya pinalitan ko na ang lumang kotse nang walang maireklamo ang anak n’yo. . .” pabiro pang dugtong.
“Maganda, a!’’ tanging naisagot ni Aling Isyang.
“Dapat naman, Inang!” katlo ni Medy.”Papasok na si Millet sa darating na pasukan. . . sa laga e magpapahuli ‘yan sa ibang bata sa kolehiyo?” at binanggit nito kung saang kolehiyo ng mga madre ipapasok ang apo.
“Para disi-otso mil lang!”
Napakislot si Aling Isyang sa pagkakaupo. Labingwalong libong piso! Kaya pala naman saanman niya hagurin ng tingin ang sasakyan ay wala siyang maipintas. Wala pa siyang nakikitang tulad niyon. Kahit ang alkalde ng kanilang bayan o ang gobernador ng kanilang lalawigan ay hindi gayon kagara ang sinasakyang kotse.
Hindi sinasadya ay napailing si Aling Isyang. Naisip niya kung paanong ang kanyang dalawang anak na kapwa babae, kapwa maganda at pareho ang inabot sa paaralan, ay nagkaroon ng magkaibayong kapalaran sa kabuhayan nang magsipag-asawa.
Naisaloob niyang marahil ay dahil magkaiba ang ugali ng dalawa. Palabati si Medy sa kapwa. Madaling makipagkaibigan. Si Idad naman ay tahimik. Mahiyain. Ngunit matay man pakiramdaman ay nasisiyahan sa buhay.
Natatandaan pa ni Aling Isyang ang matinding galit niya nang malamang nakakilala ni Medy ang isang batang-batang mangangalakal galing sa Maynila. Noon ay napadako sa kanilang nayon si Eddie upang bilhin ang tubuhan ng dati ay tinitingal sa kanilang bayan, si Don Alfonso. Hanggang nang hingin ni Eddie ang kamay ni Medy ay hindi napapawi ang pag-aalinlangan sa kanyang dibdib.
“Hindi na kayo kumibo, Inang. . ..” basag ni Medy sa katahimikan nang mapansing walang kakibu-kibo ang ina.
“A. . . e nawiwili ako. . . sa panonood. . .” pagkakaila ni Aling Isyang.
“ Nakita mo na, Ed. . . ’’ at bumaling si Medy sa asawa, “kung hindi natin binili ito, ‘yon bang disi-otso mil e maaaring sakyan? Masisiyahan ba tayo nang ganito?”
Saglit na nakawala sa diwa ni Aling Isyang ang mga nagdaan nang marinig ang masayang tawanan nina Medy at Eddie. At nakadama na rin siya ng kasiyaha. Pinilit niyangmasiyahan.
Pumili ng isang sariling hapag si Eddie sa restawrang pinasukan nila. Sa bungad pa lamang ay marami ng binabating kakilala ang mag-asawa. Susunud-sunod naman si Aling Isyang. Ingat na ingat siya sa paghakbang. Nananakit ang kanyang mga paa sa suot na sapatilya. Ngunit sinarili niya iyon.
May kapaitang sumasaisip ni Aling Isyang na kung naroon siya sa kanilang sariling nayon, hindi niya kakailanganin ang magkunwari. Hindi niya kakailanganing magsuot ng anumang hindi siya nagiginhawahan. Kilala niya ang lahat ng tao at nakikilala rin siya. Hindi niya kailangan ang kumilos nang labag sa kanyang kalooban, upang masiyahan lamang sina Medy. Nakadama siya nang bahagyang kapayapaan ng loob nang makaupo na sila sa harap ng hapag-kainan.
“Baka mahal dito?” hindi sinasadyang nasambit ni Aling Isyang.
“Si Inang naman!” may hinampo sa tinig ni Medy. “Baka may makarinig sa inyo ay kung ano ang isipin! Paparito ba tayo nang hindi kami gayak gumasta?
Nagsisi si Aling Isyang kung bakit niya sinabi iyon. At lalo siyang nakadama ng pagkapahiya nang masulyapang ngingiti-ngiti ang manugang.
Ayaw magsiupo ang kanyang dalawang apo. Nawiwili sa kalalakad sa paligid ng restawran. Susunud-sunod naman ang dalawang yaya. Ang nanghihinayang sa ibinabayad ni Medy sa dalawang katulong na kabilang sa marahil ay anim o walo pang utusan sa bahay. May labandera, May kusinera. May tagalinis ng bahay. May tagawalis ng bakuran. May tagadilig. Hindi niya maubos-isipin kung bakit si Idad ay nag-iisang gumagawa sa bahay ay apat ang inaalagaang anak.
“Ano ang gusto n’yo, Inang?” tanong ni Eddie nang mapunang hindi siya kumikibo.
“Kayo na ang bahala. . . lahat naman ay kinakain ko!” mahina niyang tugon. Sadyang hindi niya alam kung ano ang maaari niyang hingin sa restawrang iyon. Alam niyang wala roon ang paborito niyang pangat na malakapas at banak.
3
“Alam ko ang paborito ni Inang!” masiglang sabi ni Medy. At humingi ito ng inihaw na pampano, asadong alige ng alimango, halabos na sugpo, kilawing talangka at tinolang manok, mga sariwang prutas, sabaw ng buko.
“Ang mga bata,bakit hindi pa magsitungo rito?” biglang sabi ni Aling Isyang.
“Kabisado ‘yan ng mga nagsisilbi rito. Dadalhn na ang mga ‘yan kung saan gusto. Pihong nasa hardin,” paliwanag ni Medy.
Hindi makaramdam ng gutom si Aling Isyang. Nalula siya sa dami ng pagkaing nakahain. At umukilkil sa kanyang isipan kung magkano aabutin ang lahat ng iyon, na sa kanyang palagay ay hindi dapat gugulin. Pasulyap-sulyap siya sa ginagawang pagkain ng mag-asawa at pilit niyang ginagaya. Ingat na ingat siya sa pagkain.
Naisip niyang kung nasa sariling bahay siya, pasalampak siyang uupo sa sahig ng dulang. Nadudukit niya ang lahat ng alige ng alimango pati sa talukap. Nakukuha niya pati ang laman sa mga sipit at galamay.Pinaghahandaan niya iyon ng sawsawang suka na may pinitpit na luya at tinimplahan ng asin at asukal.
Sa sugpo ay wala siyang itinapon kundi balat. Kinukutkot pa ng kanyang mga kuko ang taba sa talukap ng ulo. Sinisipsip niya pati ang mga hinlalangot at buntot.
Ibang-iba ang ginagawang pagkain nina Medy. Maraming natatapon. Sa kanyang tingin ay higit pang marami ang naiiwan sa pinggan.Hinayang na hinayang siya ngunit sinasarili niya ang kanyang damdamin.
At nakaramdam ng lungkot si Aling Isyang nang magunita ang mga naiwan sa nayon. Naalala niya ang ginagawa niyang paghihimay ng alimango o alimasag para sa kanyang mga apo. Gayundin ang ginagawa niyang pagsisilbi kay Mang Laryo.
Nagtataka siya kung paanong sa loob ng walong taon lamang na inilagi ni Medy sa lunsod ay hidi na niya mabakas ang nakamihasnan nito sa nayon. Waring limot na nito ang pinag-ugatan. Waring kailanman ay hindi siya nagging bahagi ng kanilang nayon.
“O,” basag ni Medy sa kanyang pag-iisip,” hindi ‘ata kayo kumakain, Inang,”
“Kumakain,” mabilis niyang sagot.”Alam mo naman ako. . . mahinang kumain.”
IPINAHATID ni Medy si Aling Isyang nang umuwi. Bago siya umuwi ay hindi niya nalimutang hingiin muli kay Med yang kanyang kotso. Pinagtawanan siya nito at hinapit ang balikat at dibdib nito. Pagkatapos ay binilinan siya nito na sa hulihang upuan ng kotse siya maupo.
“ Hindi naman si Eddie ang magmamaneho, e. . . tsuper ‘yan sa opisina!” bulong sa kanya.
Tumango lamang siya. Nang maramdaman niyang umuusad na ang kotse ay hinubad niya ang sapatilya at inihalili ang kanyang kotso. Sumandal siya sa pagkakaupo at naramdaman niya ang ibayong pananabik na makauwi sa nayon.
Hindi man lamang niya naisip nab aka magulat ang kanyang mga kanayon kapag nakita ang sinasakyang bagung-bago at nangingintab na kotse, tulad ng sabi ni Medy bago siya sumakay. Ang tanging nakikita niya sa kanyang balintataw ay ang pat na anak ni Idad na naghihintay sa kanya, na nag-uunahan sa pagsalubong sa kanya.
Malayo pa man siya sa nayon ay waring nalalanghap na niya ang naiibang singaw ng lupa- kaiba sa magarang bakuran nina Medy. Waring malayang-malaya na naman siyang gumagalaw, hubad sa pagkukunwari at pakikibagay.

Napuno ng kaligayahan ang puso ni Aling Isyang nang matanaw na niya ang makipot at maalikabok na landas na bumubungad sa kanilang nayon. Waring abot-kamay na niya ang kanilang tarangkahan.

MAIKLING KWENTO: Pamana ni Lamberto Gabriel


Dapit-hapon na. Sa pagkahiga sa papag ay nakikita ni Mang Karyas ang anino ng malabayna akasyang sumasablay sa dingding na sasag ng silid. Dapithapon na nga. Naririnig na niya ang sunud-sunod na pagkukukiya ng asawa sa kanilang alagang mga manok.
Kruuuuk. . . kiya. . . kruuk. . . tikatik. . . tik. . . tik. . .
Makasandali pa ay narinig na ni Mang Karyas ang tila naghahabulang mga paa ng nagsisipanakbuhang mga sisiw, inahin, at katyaw. Nakinita –kinita niya ang asawa, si Aling Asyang, na nakaupo sa nakahigang lusong at may kandong na bilao ng mais.Mabubuudbod na si Aling Asyang. Naging ugali na nitong patukain ang mga manok bago iyon magsipag-hapunan sa kanilang masinop na silong.
Hiyuu… hiyu. . .hiyuuuu. . .
Mandi’y binubugaw ni Aling Asyang ang kapong baboy na gayong kapapakain pa lamang ay nanginginain pa ng mais na ibinubudbod sa mga manok.
Maya-maya’y narinig ni Mang Karya ang sunud-sunod na kahol ni Sagani. Alam ni Mang Karyas kung sino ang kinakahulan ng aso. Iyo’y ang kanyang matandang kalabaw, si Pugante, na umuwi buhat sa pakawalaan. Magkaaway na mahigpit ang kanyang kalabaw at aso.
Inut-inot na bumangon si Mang Karyas sa pagkakahiga sa papag. Nais niyang makita si Pugante. Parang may isip ang kalabaw niyang iyon. Itataboy iyon ni Aling Asyang kung umaga, manginginain sa pastulan, at uuwi iyon kung ganoong magdadapithapon.Hindi na kailangang saklawan pa si Pugante. Nalalaman nito kung anong oras dapat umuwi.
Kapag nakikita ni Mang Karyas ang kalabaw ay hindi niya napipigilang kahabagan iyon. Matanda na si Pugante. Payat. Wala na ang dating laman sa dalawang hita. Kung wala lamang siyang sakit ay hindi magkakaganoon ang kanyang kalabaw.
Mabagal nang lumakad si Pugante. Kung nadadala niya marahil ito sa higit na madaramong pastulan ay hindi mananalim ang dati nitong bilugang likod. Naihambing ni Mang Karyas ang sarili sa kalabaw. Kapwa na sila matanda. Subalit malaki ang kanilang pagkakaiba. Laya si Pugante samantalang siya’y namamalagi sa papag na iyon., nasasabik makabangon, makapanaog. . .
Matagal nang hindi nadadalaw ni Mang Karyas ang bukid. Malapit lamang sa kanila iyon. Kung durungaw siya’y matatanaw niya iyon. Kung gabi’y dinig niya ang ingay ng traktorang gumigiik ng ani ng kanyang mga kahangga. Lihim na naiinggit si Mang Karyas sa kanyang mga kahangga. Kung hindi niya marahil napabayaan ang bukid ay kabilang siya sa maliligayang magsasakang nagbibilang ng mga kaban ng palay.
“Tssk. . . tssk. . .tssk. . . Aba’t lalo pang binagalan . . . “
Napahawak nang mahigpit si Mang Karyas sa palababahan ng bintana nang Makita niyang pabiglang hinatak ni Aling Asyang sa paghapon ang nagmamabagal na kalabaw. Nakaramdam siya ng pagkaawa sa matandang kalabaw. Nagpumiglas at tila naghimagsik ang nakabalatay na mga ugat sa kanyang mga bisig.
Nang makaradam ng pangangawit si Mang Karyas ay itinukod niya ang bisig sa papag upang huwag mabigla ang kanyang paghiga. Ilang sandali lamang siyang naupo subalit sumasakit na ang kanyang likod. Nakagat ni Mang Karyas ang labi nang sumayad ang katawan sa papag.
“Darating na raw ang anak mo, Karyas. Dumaan kanina si Pablo at sinabi sa akin. Mamayang gabi raw,” narinig niyang pagbabalita ng asawang nagluluto sa dapugan.
“Ngayon pang gabi ay humuli ka na ng dumalaga, Asyang,” habilin ni Mang Karyas.”Ipagpatay mo si Kiyel.”
Malalim ang bunting-hiningang hinugot ni Mang Karyas sa dibdib. Naisaloob niyang matutupad na rin ang kanyang pangarap na mahango sa bukid ang anak. Sumingit sa kanyang kamalayan ang nangyari nang minsang tangkain ng anak na tulungan siya sa pag-aararo.
“Kiyel, Anak.” Natatandaan pa niyang sinabi sa anak, “mag-aral ka sanang mabuti. Sa kabila n gating kahirapan ay itataguyod ka naming ng iyong ina.”
Napadiin noon ang ugit ng ararong hawak ni Kiyel.
“Hindi ka sadyang laan dito sa bukid, Kiyel. Hindi ganyan ang pag-aararo. Patag ang kailangang paghawak sapagkat sa minsang magkamali ka ng diin aay mababali ang sudsod.”
1
Natitigan siya noon ni Kiyel. Alam niyang sa titig na iyon ay kinahahabagan siya ng anak.
“Matanda na kayo, Tatang. Ipaubaya na ninyo saa akin ang paggawa rito sa bukid. Kailangan na ninyong mamahinga.”
“Hindi mo ako nauunawaan, Anak. Tingnan mo ako. Ilang taon na akong naging alipin ng araro? Tingnan mo ang aking kamay, kulay sunog. Isa akong magsasaka, Kiyel. Kaya lamang ako nasisiyahan sa paggawa sa bukid ay sapagkat dito ako nakalaan. Kailangang mag-aral ka, nang hindi mo malasap ang hirap na aking dinaranas, nang maging higit na maganda ang iyong kinabukasan. Magsikap ka, Anak, at sa pamamagitan ng bukid na ito’y igagapang ka naming ng iyong ina.Kaligayahan naming Makita kang Malaya sa ugit ng isang araro.”
Hindi kumibo si Kiyel nang sabihin ni Mang Karyas iyon sa kanya. Nalalaman ni Mang Karyas na nahihirapan an anak sa pagtatakwil sa buhay-magsasakang kinagisnan. Subalit na kay Kiyel ang lahat ng katangiang mapupuhunan sa pagtatagumpay. Hindi siya nangangambang mabibigo si Kiyel.
Nang minsang umuwi si Kiyel ay ganoon na lamang ang galak ni Mang Karyas nang isalaysay nito ang ginagawang pagsisikap sa pag-aaral. Nagmamalaki ang kanyang puso. Ngayo’y may karapatan na siyang magmalaki sa nayon: mayroon na siyang anak na nakapag-aral.
Mamayang gabi ay darating si Kiyel.Maligayang-maligaya si Mang Karyas sa pagkakahiga sa papag. Sa wakas ay malalagot na rin niya ang tanikalang nag-uugnay sa kanilang mag-ama sa bukid. Malalagot na niya iyon- sa pamamagitan din ng bukid na sinasaka.
Parang nag-iinit ang katawang napaupong muli si Mang Karyas sa papag. Isinaklay niya ang kamay sa palababahan ng bintana at tinanaw ang dakong pagbubuhatan ng anak. Naramdaman ni Mang Karyas ang malamyos na dapyo ng amihan sa kanyang pisngi. Naramdaman niyang parang nasabukay ang maputi na niyang buhok.
Gumagala ang kanyang paningin sa bukid. Sa kumakalat na kadilima’y nababanaagan pa niya ang punong manggang naghuhumindig sa kalagitnaan ng kanyang bukid. Napangiti si Mang Karyas. Bukid din niya ang magpapalaya sa kanyang anak. Nagbangon sa kanyang alaala ang paggawa sa saka. Sa silong ng ulan at liwanag ng kidlat ay nahuhukot siya sa pag-aararo at pagsusuyod ng putikang linang. Sa panahon naman ng anihan ay tila natatayantang pati ang kanyang mga labi sa tindi ng sikat ng araw. Isang pagpapakasakit ang buhay ng isang magsasaka, isang walang katapusang pagpapakasakit.
“Ano ba, Karyas, Kumusta an gating palay?” Kung hindi ko naalagaa’y baka inaksip.” ”Ano ba, Karyas, kailan ang paggaas?” “Kung hindi gagapasin ng kabisilya ay papayukin naming mag-asawa!” “Ano ba, Karyas, kailan ang giik?” “Mamayang alas dose ng gabi, pag nagdaan ang traktorang galing sa ibayo.”
May panahong uhaw ang lupa. May panahong tigang na tigang. May panahong maraming bitak dahil sa pagsasalat sa bukid. May panahong mabulas ang palay, walang sakit, at nangangako ng mabuting ani.Naranasang lahat iyan ni Mang Karyas.Nangakakintal ang mga karanasang iyon sa lapad ng kanyang tila mga luyang mga paa, sa putik ng kanyang hinahalas na binti, at sa pangangapal ng dalawa niyang palad.
Sa pagsisikap na mapaunlad ang ani sa ginagawang pagpapaaral sa anak ay lalong humigpit ang kaugnayan ni Mang Karyas sa sinasakang lupa. Naging bahagi sa buhay ni Mang Karyas ang bukid at sa dakong huli’y tuluyan naman siyang inangkin nito. Nang minsang dinaramuhan ni Mang Karyas ang mga puno ng palay ay inabot siya ng malakas na ulan.Doon nga nagsimula ang kanyang sakit.
Nang lumalangitngit ang sahig na kawayan ay napalingon si Mang Karyas. Nakita niyang nagpapasok na ang asawa ng pagkain. Dagli niyang itinukod ang kanang kamay upang maalalayan nito ang kanyang paghiga.Subalit huli na. Nahuli siya ni Aling Asyang sa kanyang pagkakapanungaw.
“Sinabi ko naman sa iyong huwag ka munang mag-uupo, e,” may paninising lumangkap sa tinig ni Aling Asyang.”Ikaw nga ang dumadaing na masakit ang iyong likod.”
“Tinitingnan ko lamang, Asyang, ang ating bukid,: dahilan ni Mang Karyas at tiningnan ang asawang nakakunot-noo.
“Siya, siya kumain ka na, Karyas. . .,” wika ni Aling Asyang at inilapag ang mangkok sa papag. Tinanganan ang kutsara at sinimulang subuan si Mang Karyas.
2
“Sipag nitong anak ni Ba Kayong, oo!” pagbibiro ni Mang Karyas sa asawang may salit-salit na ring puti ang buhok.
“Sulong. Kumain ka’t darating ang anak mo!” Marahan pang dinunggol ni Aling Asyang ang baywang ni Mang Karyas.
Nalarawan ang kasiyahan sa mukha ni Mang Karyas. Kay bait ng kanyang asawa! Hindi pa rin nagbabawa ang kanyang si Asyang. Ito pa rin ang dating masuyo, masipag, at mapagmahal na anak ni Ba Kayong.
“Ano ang pakiramdam mo?” mayamaya’y nausisa ni Aling Asyang.
“Parang namimigat ang aking katawan, Asyang.”
“Kasi’y bangon ka nang bangon. Hala, ubusin mo ito, o . . .”
Walang imik na kumain si Mang Karyas. Wala siyang gana. Pinipilit lamang niya ang pagkain ng nilugaw at ng malambot na tapang inihaw.
“Inggit na inggit sa iyo si Kiko, oy,” ani Aling Asyang kay Mang Karyas,
“mabuti ka pa raw at nakapagpatapos.”
“Paggaling na paggaling ko’y lilibutin ko ang buong nayon at ipagsisigawan kong tapos na ang ating anak, Asyang!” nagmamalaking nawika ni Mang Karyas.” “Paggaling ko ay lilibot kami ni Kiyel at tingnan mo kung hindi nila ako hangaan!”
Nasa gayon silang pag-uusap nang makarinig sila ng halinghing ng aso. Hindi hahalinghing si Sagani kung kilala nito ang pumapasok. Tatahol ito.
“Bakit si Kiyel na ‘yan, Asyang !” nausal ni Mang Karyas at nagsikap na makaupo upang makadungaw sa bintana.
Marahang diniinan siya ni Aling Asyang sa balikat.Pagkaraa’y dumungaw ito at inaninaw kung sino ang sinasalta ni Isagani.
“Tatang, Inang!” Narinig nilang dalawa ang tinig ni Kiyel, Nagmadaling sinalubong ni Aling Asyang ang anak. Noo’y wala na ang sakit na naramdaman ni Mang Karyas sa likod. Dumating na si Kiyel! May dumadaloy na panibagong lakas sa mga ugat ni Mang Karyas.Waring para siyang biglang sumigla.
“Naku, ang dami-dami mong dala, Kiyel!” Narinig niya ang tinig ng asawa.
“ Ang Tatang, kumusta?” Noon pa ma’y nais na ni Mang Karyas na iwan ang papag na kinauupuan at salubungin ang anak. Sabik na sabik si Mang Karyas. Sa sinabi ni Kiyel na “Ang Tatang, kumusta?”ay nais niyang isagot na “Narito ako!”
Nang makapanhik na si Kiyel ay tila tumaas pa ito sa paningin ni Mang Karyas.Mabulas ang katawan ni Kiyel.Matitipuno ang mga bisig, masiglang-masigla ang pusong-ama ni Mang Karyas.
“Tatang!” ani Kiyel at hinalikan ang kamay ni Mang Karyas.
Makapal ang palad na nadama ni Mang Karyas nang tangnan ng anak ang kanyang kamay. Subalit hindi niya pinansin iyon. Sa wakas ay narito na si Kiyel!
“Magaling na ako!” Naisaloob ni Mang Karyas. :Lilibot tayo sa buong nayo! Ipakikita k okay Kiko ang aking anak na aking napagtapos! Lilibutin ni Kiyel ang buong nayon. Ipagmamalaki ko si Kiyel!”
“Maghubad ka muna, Anak,” anang ina ni Kiyel at ibinigay sa anak ang tsinelas na malapad ang dahon. “Pagod na pagod ka marahil sa biyahe.” Pagkawika niyo’y nagtungo sa labas si Aling Asyang upang maghanda ng hapunan.
“Paparito bukas ang mga kaibigan mo, Kiyel,” pagbabalita ni Mang Karyas sa anak.”Marahil ay babatiin ka.”
Piit ang ngiting nakita ni Mang Karyas na sumilay sa mga labi ng anak. Nakita niyang napatungo si Kiyel. At naramdaman na lamang niya ang pagpisil ni Kiyel sa kanyang palad.
“Ikinalulungkot ko, Tatang, na sinuway ko kayo,” marahang sabi ni Kiyel sa ama.
Nabaghan si Mang Karyas. Piit nitong sininag sa mukha ng anak kung ano ang ibig ipakahulugan nito sa sinabing iyon.
“Sinikap kong sundin, Tatang, ang iminungkahi ninyong kurso ngunit hindi ko iyon naipagpatuloy.”
Sinalat ni Mang Karyas ang palad ni Kiyel.Parang binubuhawi ang kanyang kalooban.
“Makapal ang iyong palad, Kiyel.”
“Agrikultura ang kinuha ko, Tatang, sa Los Banos.”
3
Nakuyom ni Mang Karyas ang dalawag palad. Gumapang sa kanyang katawan ang init. Nang pagdaupin niya ang mga palad ay naglitawan ang mga ugat sa kanyang mga bisig.
“Sinuway mo ako, Kiyel,” mariin niyang sabi sa anak. Sinuway mo kami ng iyong ina. Sa kahirapan natin ay sinikap ka naming mapag-aral upang mailayo ka sa bukid. Ayaw kong maging magsasaka ka. Ang pagsasaka, Kiyel, ay panghabambuhay na pagpapakasakit. Ang bukid na dati kong sinasaka’y minana ko pa sa iyong mga ninunong nangamatay na mga magsasaka, Kami’y binhing natanim saa bukid. Sa pagnanais ko na lamang na hindi ka rin makaugat sa bukid kaya pinapag-aral ka naming ng iyong ina. . . Binigo mo kami, Kiyel.”
“Kung kayo’y aking sinunod ay hindi ko maituturing na ako’y inyong anak,” pagpapaliwanag ni Kiyel sa ama.
Nanlalim ang mga guhit sa noo ni Mang Karyas sa itinugong iyon ng anak.
“Ako’y anak ng isang magsasaka, Tatang. Anak ninyo.Nananalaytay sa aking mga ugat ang tubig na dumadaloy sa mga linang. Nakahasik sa aking puso ang mga binhing inyong isinasabog kung panahon ng punlaan. . .”
Naramdaman ni Mang Karyas ang pagpisil ng anak sa kanyang kamay. Hindi niya namamalaya’y namalisbis sa kanyang kulubot na mga pisngi ang luha. Napabaling siya sa bintana upang ikubli iyon sa anak. Pinilakan ang liwanag ng sumisikat na buwan sa kanilang bukid.Mayaman ang liwanag subalit ang kanilang lupa’y pagas, tigang, mabitak.Mandi’y naghihintay ng ulan.
“Kayo’y matanda na, Tatang. Tulad ng ginawa ng aking mga nuno’y hinihiling ko sa inyong ipaubaya ninyo sa akin ang paggawa sa bukid. Ipagmamalaki ninyo ako, Tatang!”
At nayakap ni Mang Karyas ang anak. Ang binhi ng kaligayaha’y muling sumibol sa kanyang puso. Mayabong ang kaligayahang iyon.
“Ang pagsasakang aking natutuha’y di tulad ng pagsasakang ating ginagawa sa kasalukuyan dito sa atin, Tatang. Iyo’y pagsasakang pag-uugatan ng pag-unlad. . .”
Naghuhumindig sa bughaw na liwanaga ng buwan ang punong mangga nang tanawin ni Mang Karyas at Kiyel ang kanilang bukid.


MAIKLING KWENTO: Impong Sela ni Epifanio G. Matute


Noon ay buong kataimtimang minalas ni Impong Sela ang kanyang lalabing-animing taong apong lalaki sa pagkakahigang walang katinag-tinag. Sa ilalim ng maputing kumot, ang kanyang apong nakatihaya ay matuwid na matuwid na katulad ng isang bangkay, walang kakilus-kilos maaliban, marahil, sa maminsan-minsang pagkibot ng mga labing nanunyo at halos kasiimputla na ng isperma. Maya-maya’y marahang dinama ng kanyang palad ang noo ng nahihimlay na maysakit. Sa gayong pagkakadantay, ang nakahiga ay napakislot na animo’y biglang nagulat ngunit hindi rin nabalino sa pagkakahimbing.
“Maria Santisima!” ang nahihintakutang bulong ni Impong Sela sa kanyang sarilisamantalang iniaangat ang kanyang kamay mula sa pagkakadantay sa noo ng apo.” Nagbalik na naman ang kanyang lagnat.”
Ang matanda’y nakaramdam ng isang biglang bugso ng lungkot sa kanyang dibdib. Ang lagnat ng bata ay nawala na, dalawang araw na ang nakararaan, salamat sa kanyang santong kalagyo, ngunit ngayo’y. . .
Mahal na Ina ng Awa!
Ito’y kanyang ikinababalisa. Nalalaman niyang ang lagnat na nagbabalik ay lubhang mapanganib. Ano kaya kung ang kanyang apo, ang kanyang pinakamamahal na si Pepe’y. . . Maawaing langit!
Bakit, hindi ba siya ang maituturing na nagpalaki sa kanyang apong ito! Kauna-unahan niyang apong lalaki sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki, sa katauhan ni Pepe ay ibinuhos ni Impong Sela ang lahat na pagmamahal at pag-aaruga ng isang impo. Hindi halos nalalaman ng mga magulang nito kung paano siya lumaki. Laki sa Nuno ang tawag sa kanya. At tapat sa kasabihang iyon, si Pepe’y lumaki sa layaw, sa malabis na pagpapalayaw.
Siya ang nagging dahilan ng malimit na pagkakagalit I Conrado at ni Impong Sela. May mga pagkakataong ang anak at ang ina ay nagkakapalitan ng maiinit na sagutan, ngunit kailanman, palaging ang matanda ang nagtatagumpay. Hindi niya mapapayagang masaling man lamang ng ama ang kanyang si Pepe.
At saka ngayo’y. . .
Si Impong Sela’y nagsimulang mag-isip nang malalim. Kailangang si Pepe’y maligtas sa kuko ng kamatayan. Sa kanyang pagkalito ay pumasok sa diwa ang gunita ng mga santo, panata, debosyon…
A. . .!
“ Mahal na Hesus Nasareno!” ang kanyang marahang bulong kasabay ang pagtitirik ng mga
mata, “Para Mo nang awa! Iligtas Mo po ang aking apo at magsisimba kami ng siyam na Biyernes sa Quiapo. Huwag Mo po siyang kunin.”
Natatandaan pa niyang ang panata ring yaon ang nagligtas sa kanyang anak na ama ni Pepe
nang ito’y pitong taon pa lamang. Kahimanawari ay ito rin ang magligtas naman sa kanyang apo!
Maya-maya, ang maysakit ay kumilos. Dahan-dahang idinilat niya ang kanyang mga matang wari ay nananaginip at saka tumingin-tingin sa kanyang paligid. Hindi naglaon at namataan niya ang kanyang impo sa kanyang tabi.Inilabas niya ang kanyang kamay sa kumot at saka iniabot ang kamay sa matanda.
“Lola.” ang mahinang tawag.
“Oy, ano iyon, iho?” ang tugon ni Impong Sela sabay pihit at yumukod nang bahagya upang mapakinggan niyang mabuti ang sasabihin ni Pepe.
“Nagugutom ako.”
“Ikukuha kita ng gatas.”
“Ayoko. Sawa na ako sa gatas.”
Ang matanda ay nag-atubili. Gatas, sabaw ng karne, katas ng dalandan, tsaa, at wala na. Ang mga ito lamang ang maaaring ipakain sa kanya ayon sa bilin ng doctor.
“Ibig mo ng kaldo, anak?”
“Ayoko!”
1
“Katas ng dalandan?” Kangina lamang umaga’y itinulak niya at natapon tloy ang idinulot ng matanda. At si Pepe’y ayaw na ayaw ng tsaa, noon pa mang siya’y malakas.
“Lola, nagugutom ako!” Ang tinig ni Pepe’y may kahalo nang pagkainip.
“Sandali lang, iho,” sabay tindig ng matanda at lumabas sa silid.
Pagkaraan ng ilang sandali, Si Impong Sela’y nagbalik na taglay na kanyang kamay ang isang pinggan ng kaning sinabawan ng sinigang na karne , at isang kutsara.
“Eto, anak, ngunit huwag kang kakain nang marami, hane?”
Pagkakita sa pagkain, si Pepe’y nagpilit na makaupo ngunit pabagsak na napahigang muli sa unan. Ang matanda’y nagmamadaling lumapit sa apong nanghihina.
“Huwag kang pabigla-bigla, iho,” aniya, samantalang inaayos ang mga unan sa tabi ng dingding.”O, dito ka sumandal.”
Sa tulong ng kanyang lola, si Pepe’y nakasandal din sa unan. At siya’y sinimulan nang pakainin ni Impong Sela. Isang kutsara. Dalawang kutsara. Tatlo. Apat. Katulad ng isang hayok na hayok sa gutom ay halos sakmalin ni Pepe ang bawat subo ng kanyang lola.
“Nanay! Ano ang . . . “ Si Conrado’y patakbong pumasok sa silid at tinangkang agawin mula kay Impong Sela ang pinggan ng kanin ngunit huli na! Ang pinggan ay halos wala nang laman.
“Nanay! Wala ba kayong isip?” ang sa pagkabigla ay naibulalas ni Conrado .
“Hindi ba ninyo nalalaman ang bilin ng doctor na…”
“Ow, hayaan mo ako!” ang madaling putol sa kanya ng matand. “Nalalaman ko kung ano ang aking ginagawa. Paano lalakas ang bata kung papatayin ninyo sa gutom? Hindi siya mamamatay sa kaunting kanin. Bayaan mo siyang mamatay na nakapikit ang mata at huwag nakadilat. Totoooooy! Neneeeee!”
Ang dalawang maliliit na kapatid ni Pepe’y tumatakbong pumasok sa loob ng silid.
“Huwag kayong tatakbo! Hindi ba ninyo nalalamang may sakit ang inyong kapatid? O , kanin ninyo ito,” at idinulot ni Impong Sela sa mga bata ang natirang pagkain ni Pepe, “saying kung itatapon itong grasya ng Diyos.”
“Huwag!” ang halos naisigaw ni Conrad. “Inay, hindi ba ninyo nalalamang si Pepe’y may tipus?”
“E, ano ngayon? Ang mga bata ay mahahawa, hindi ba?” anang matanda sa tinig na naghahamon. “Ang hirap sa inyo’y pinaniniwalaan ninyong lahat ang dala rito ng mga Amerikano. May korobyo kuno ang sakit ni Pepe na siyang makakain ng mga bata.Tse! Bakit noong kapanahunan naming, walang paku-pakulo ng tubig, walang poso-artesyano, at nanggagaling lamang sa balon an gaming iniinom na kung minsan ay may liya pa. Tingnan mo ako. Gaano na ako katanda ngayon? Kung ang karobyong iyang pinagsasasabi ninyo ay totoo, bakit hindi ako namatay? At kayong mga tubo sa panahong ito na masyadong delikado sa lahat ng bagay, ilan sa inyo ang umaabot sa edad naming? Kaukulang lahat iyang pinagsasasabi ninyo. Kung ibig ng Diyos na ikaw ay mamatay ay mamamatay ka, magpagamot ka man sa isang libong doctor. Sa kanya ka umasa at huwag sa kalokohan. Kanin ninyo ito.” ang baling sa mga apo, “ at huwag kayong parang tuod sa pagkakatayo!”
Si Totoy at si Nene ay nag-atubili at tinapunan ng tingin ang kanilang amang pagkatpos ng mahabang “sermon” ng kanilang lola ay walang nagawa kundi ang magsasawalang- kibo na lamang.
“Bakit, natatakot ba kayo?” ang tanong ni Impong Sela sa kanyang mga apo. Hinagisan pa mandin ng isang irap ang kanyang anak, at saka hinugot ang tsinelas mula sa kanyang paa. “Tingnan natin kung sino ang masusunod sa bahay na ito!, Kanin ninyo ito, kung hindi’y…”
Nanginginig na sumunod ang mga bata, samantalang ang kanilang ama’y tumatanaw na lamang sa labas ng durungawan.
Kinabukasan, si Pepe’y nahibang sa lagnat. Nagbalik ito sa isang matinding bugso na siyang hindi ikapalagay ng maysakit. Tila siya iniihaw, pabiling-biling sa hihigan, at nakalulunos kung humahalinghing. Sa mga mata ni Sinang na kanyang ina ay nalalarawan ang isang paghihirap ng kaloobang isang ina lamang ang maaaring makadama sa gayong mga sandali, samantalang minamalas niya ang kahambal-hambal na ayos ng kanyang anak. Naroon din si Impong Sela. “Masama ang kanyang lagay.”
Hindi nagkamali ang doctor. Sa loob ng sumunod na oras ay pabali-balikwas si Pepe sa kanyang higaan at naghihiyaw ng kung anu-anong ikinakakagat ng labi ng mga nakamamalas. Ang mga luha ni Sinang ay tila walang-lagot na tanikala. Walang patid. Walang-tila. Ang mga ngipin ni Conrado’y nagtitiim. Samantalang si Impong Sela ‘y bumubulong ng walang katapusang mga panalangin.
2
“Sinang,” ang marahang tawag ng lalaki sa kanyang asawa, “huwag kang umiyak. Ang mabuti kaya’y dalhin natin siya sa ospital.”
“Ospital? At nang siya’y pabayaang mamatay roon? Hindi! Huwag ninyong madala-dala si Pepe ka sa ospital. Kung kayo’y nagsasawa nang mag-alaga sa kanya ay bayaan ninyo kaming maglola.Maaalagaan ko rin siyang mag-isa. Mabuti ka ngang ama! Noong ikaw ay maliit pa, sa tuwi kang magkakasakit , ako ang nagtitiyaga sa iyo at hindi kita inihihiwalay sa aking mga paningin. Kung ito’y hindi mo magagawa sa sarili mong anak ngayon – hayaan mo’t ako ang gagawa!”
“Ngunit, Nanay!” nasa tinig ni Conrado ang pagsusumamo at pagmamakaawa.
“Ano ang ating magagawa rito? Kulang tayo sa mga kagamitan. Samantalang sa ospital. . .”
“Samantalang sa ospital,” kapag si Impong Sela’y nagsimulang manggagad, siya’y handing makipaglaban, “lalo na’t ikaw ay nasa walang bayad, ay titingnan ka lamang nila kung kailan ka nila ibig tingnan. Ano ang kuwenta sa kanila ng isang maysakit na hindi naman nila kaanu-ano? Mamatay ka kung mamatay ano ang halaga sa kanila niiyon? Tingnan mo ang nangyari kay Kumareng Paula, isang araw lamang sa ospital at. . . Ave Maria Purisima! Huwag ninyong gagalawin ang apo ko! Hindi maaari!”
Sa mukha ni Conrado ay biglang sumulak ang dugo! Ibig niyang humiyaw, ibig niyang maghimagsik, ibig niyang magtaklob na ang langit at lupa!
Ngunit mula sa kanyang nangangatal na mga labi ay walang namutawi kundi ang impit na “Diyos ko! ! !” Sa gitna ng kanyang pagluha, ang mabait na si Sinang ay lumapit sa asawa at tinapunan iyon ng isang “hayaan- mo- na- ang- Nanay” na tingin. Kasabay ang isang malalim na bunting-hininga si Conrado’y nalugmok sa isang likmuan. Ang salitaan ay napinid na.
Umagang-umaga kinabukasan, nagtaka na lamang sila’t natagpuan nila sa isang sulok si Impong Selang nananangis, umiiyak na nag-iis. Siya’y hindi man lamang tinuluan ng luha nang si Pepe’y naghihirap at saka ngayon pang si Pepe’y matiwasay na, salamat sa suwerong tinusok sa kanya ng manggagamot ay saka. . .
“Bakit, Nanay?” ang namamanghang tanong ni Conrado.
“Naiisip-isip ko,” ang kanyang hikbi, “ ang anak na dalagita ni Juan ay kamamatay lamang noong isang lingo!”
“O, ay ano?” lalo namang namanghang tanong ng anak na hindi maiugpong ang pagkamatay ng anak ni Mang Juan sa mga luha ng kanyang ina.
“Iya’y totoo! Huwag mong pagtatawanan ang matatandang pamahiin. Marami na akong nakita. Iya’y hindi nagkakabula.”
“Pawang nagkataon lamang ang nakita ninyo. Huwag ninyong guluhin ang isip ninyo sa kaululang iyan.”
“ Ang isa pa,” ang patuloy ng matandang hindi siya pinapansin, “kagabi, ang mga manok ay nagputakan. Nang ang nasira mong ama ay namatay ay ganyan din ang nangyari noong huling gabi bago siya pumanaw. Kaawa-awang Pepe kooo!”
At…
Kataka-taka o hindi kataka-taka, ang luha ni Impong Sela ay nagpatuloy ng pagdaloy hanggang ang mga luntiang damo sa ibabaw ng puntod ng pinakamamahal niyang apo ay halos isang dangkal na ang angat sa lupa.

Sunday, July 14, 2013

MAIKLING KWENTO: Saranggola ni Efren R. Abueg


Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon. 
“Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.
“Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.
“Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.
Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.
“Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.
“Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas at tagal ng lipad ng guryon!”
Nainis ang bata sa kanyang ama.
“Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”
Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.
Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak.
Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag. 
“Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at kung bumagsak, laging nawawasak.”
Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.
“Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang salapi,” pagunita ng kanyang ama.
“Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”
“Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi natututuhan ang pagtitipid.”
Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.
“Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina. “Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”
“Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”
“Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”
“Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”
Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.
Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.
“Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang magkakaibigan.
Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.
“Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”
Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.
“Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”
Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.
“Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo. “Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”
Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.
“Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong hinaharap.”
“Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”
“Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”
“Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”
“Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”
Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.
Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.
“Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.
Namangha siya.
“Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya sa ama.
“Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar ka ng sariling negosyo.”
“Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”
“Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”
Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga magulang.
“Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”
Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.
Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng kanyang ama.
“Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”
“Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”
Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.
“Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”
May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang ginagamit.
“Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”
Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa harap ng ama.
“Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang nahihirapan ako?”
“Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa mundo, anak.”
“Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”
“Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga  itinuturo nila sa mga ito.”
Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon, nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon, gumawa na rin ang machine shop niya ng mga partes ng kotse.
Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina. Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.
“Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit mo,” sabi ng kanyang ina.
“Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”
Umiyak ang kanyang ina.
“Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.
Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina. Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.
“Nasaan sila?” usig niya sa katulong.
“Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”
“Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”
Tumango ang tinanong na katulong.
“May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”
May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito. Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga at ingat iyan!”
Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.
“Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.
May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat ng himaymay ng kanyang laman.
“Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.
“Wa-walang hinanakit?”
“Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”
Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.
“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo… tuturuan kita!” paliwanag na ama.
           Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong namatay na lolo. Kwento naming dalawa.