Sunday, July 14, 2013

MAIKLING KWENTO: Tata Selo Ni Rogelio Sikat

Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok.
“Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo.
“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po n’yo.”
Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.
“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”
Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.
“Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”
“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”
Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.
“Patay po ba?”
Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.
“Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.
Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.
Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.
“Patay po ba? Saan po ang taga?”
Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.
“Saan po tinamaan?”
“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”
“Lintik na matanda!”
Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.
“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan.
Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\
“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde.
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at naembargo.”
“Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.
“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”
“Saan mo tinaga ang kabesa?”
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.”
“Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.”
“Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.
Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.
“Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.
Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka,” anang hepe.
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya.
“May sakit po siya?”
Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.
“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan.
“Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.
Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.
Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng hepe.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod...”
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.
“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo, nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-uulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Doon ka siguro ikukulong.”
Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y may natutuyong tamak-tamak na tubig. Nakaunat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi nagagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.
“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.
“Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang marinig ang rehas nguni’t pinagkiskis niya ang mga palad at tiningnan kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.
May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang kabesa. Nagtataka at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itinatanghal.
Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.
“Hindi ka na sana naparito, Saling” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!?
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang namumutlang mukha. Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka nang magsasabi...”
“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagakaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigisang sa kanya.
“Tata Selo...Tata Selo...”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng may luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.
Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya.
“Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo. Puntahan mo siya, amang. Umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nagpaulik-ulik, pagkaraa’y takot na bantulot na sumunod...
Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lilim sa istaked, sa may dingding sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan niya kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kihuan na sa kanila...

MAIKLING KWENTO: Bangkang Papel ni Genoveva Edroza-Matute



 Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.
Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.
Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman...
Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat.
Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan.
Sa karimla’t pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina.
Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng mga iyo’y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.
Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan.
“Inay, umuulan, ano?”
“Oo, anak, kangina,” anang tinig mula sa dulo ng hihigan.
“Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating na ba ang Tatay?”
Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya’t itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito’y nakita niya ang banig na walang tao.
Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya’t ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati.
Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig.
Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.
“Inay,” ang tawag niyang muli, “bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?”
“Ewan ko,” ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo.”
Natuwa ang bata sa kanyang narinig.
Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay...hindi masisira ng tubig.
Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita:
“Siya, matulog ka na.”
Ngunit ang bata’y hindi natulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon.
“Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama.
“Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito’y hindi sumagot.
Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita.
Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat...
At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan...
Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan.
Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa hihigan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.
Pupungas siyang bumangon.
Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao’y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.
Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa.
Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.
Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.
Nahihintakutang mga batang humanap kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina.
Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo’y hindi pumupikit, nakatingin sa wala.
Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”
Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo’y patuloy sa hindi pagsikap. Ang kamay noo’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.
Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil nang siya’y makita.
Wala siyang narinig kundi... “Labinlimang lahat ang nangapatay...”
Hindi niya maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita.
Sa pagitan ng mga hikbi, siya’y patuloy sa pagtatanong...
“Bakit po? Ano po iyon?”
Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.
Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.
“Handa na ba kaya?” anang isang malakas ang tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw sila’y papasok dito... Kaya’t walang maaaring maiwan.”
Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari.
Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan.
Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay.
Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.
Nag-aalinlangan, ang batang lalaki’y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang.
“Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”
Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita.
“Iyon din ang nais kong malaman, anak iyon din ang nais kong malaman.”
Samantala...
Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan.
Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang papel – ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon.
Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman..

Saturday, July 13, 2013

Format ng Suring-Basa



May dalawang paraan ng pagsulat ng isang panunuri. Ang una ay sa payak na pagkakabuod ng mga pangyayari sa akda at ang pangalawa ay sa paraang pahalagang pagbubuod. Malaki ang magagawa ng istilo sa pagsulat ng isang manunuri upang mapalutang ang layunin sa pagsusuri sa akda. Ito ay kailangang kumilala sa taglay na sining at magpapanatili sa sining ng pagsusuri. Sa simpleng pagpapakahulugan, ipinaliliwanag ng isang panunuring pampanitikan kung bakit dapat basahin ang isang akda o kung ano ang katangian ng akda na dahilan upang ito’y pag-ukulan ng panahong basahin. Tingnan kung anu-ano ang mga salik o elementng napapaloob sa isang suring-basa.
1.    PAGKILALA SA MAY-AKDA – Ito ay hindi nangangahulugan ng pagsusuri sa pagkatao ng may-akda kundi sa mga bagay na naguudyok sa kanyang likhain ang isang akda.
2.    URI NG PANITIKAN – Pagtukoy sa mga anyo ng panitikang sinulat sa himig o damdaming taglay nito.
3.    LAYUNIN NG MAY-AKDA – Pagsusuri sa kahalagahan ng akda kung bakit sinulat. Layunin ba nitong magpakilos o manghikayat, manuligsa, magprotesta at iba pa.
4.    TEMA O PAKSA NG AKDA – Ito ba’y makabuluhan, napapanahon, makaotohanan, at mag-aangat o tutugon sa sensibilidad ng mambabasa?
5.    MGA TAUHAN / KARAKTER SA AKDA – Ang karakter ba’y anyo ng mga taong likha ng lipunang ginagalawan, mga tauhang hindi pa nalilikha sa panahong kinabibilangan o mga tauhang lumilikha, nagwawasak, nabubuhay o namamatay.
6.    TAGPUAN / PANAHON – Binibigyang-pansin sa panuring pampanitikan ang kasaysayan, kapaligiran at panahong saklaw ng isang akda bilang mga saksi at sanhi ng kalagayan o katayuan ng isang indibidwal, ng kanyang kaugnayan sa kapwa at sa lipunan.
7.    NILALAMAN / BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI – Isa bang gasgas na pangyayari ang inilahad sa akda? May kakaiba bas a nilalamang taglay? Dati o luma na bang mga pangyayaring may bagong bihis, anyo, anggulo, o pananaw? Paano binuo ang balangkas ng akda? May kaisahan ba ang pagkakapit ng mga pangyayari mula simula hanggang wakas? Ano ang mensaheng ipinapahiwatig ng kabuuan ng akda? May natutunan ka ba sa nilalaman ng akda?
8.    MGA KAISIPAN / IDEYANG TAGLAY NG AKDA – Ang isang akdang pampanitikan ay nagtataglay at nagpapaliwanag sa mga kaisipang umiiral, tinatanggap at pinapatunayan ng mga tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding tinatanggap at pinatutunayan ng mga tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding ang mga kaisipang ito ay sasalungatin, pabulaanan, mabago, o palitan. Ito ba ay mga katotohanang unibersal, likas sa tao at lipunan, mga batas ng kalikasan, sistema ng mga ideya o paniniwalang kumokontrol sa buhay? Mahalagang masuri sa akda ang mga kaisipang ginagamit na batayan sa paglalahad ng mga pangyayari.
9.    ISTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA – Epektibo ba ang paraan ng paggamit ng mga salita? Angkop bas a antas ng pang-unawa ng mga mambabasa ang pagkakabuo ng akda? May bias kaya ang istilo ng pagkakasulat sa nilalaman ng akda? Masining ba ang pagkakagawa ng akda? Ito ba’y may kahalagahang tutugon sa panlasa ng mambabasa at sa katangian ng isang mahusay na akda?
10. BUOD – Hindi kailangang ibuod nang mahaba ang istorya ng akda. Ang pagbanggit sa mahahalagang detalye ang bigyang-tugon.
Ang pagsulat ng isang panunuri ay nangangailangan ng sapat na kaalaman, kahandaan at kakayahan sa panig ng manunuri. Kailangang Makita ang pagiging maingat at lubos na pagkaunawa sa akdang sinusuri. Ang pagiging obhetibo sa pagsusuri ay kailangang isaalang-alang.

MAIKLING KWENTO: KWENTO NI MABUTI Ni Genoveva Edroza-Matute



Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.